Lalaking nabangga ng motorsiklo sa Davao City, tinulungan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | June 25, 2018 (Monday) | 6023

Nakahandusay sa daan at duguan ng madatnan ng UNTV News and Rescue ang isang lalake matapos maaksidente sa Solariega, Talomo Dist. Davao City noong Byernes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Roger Lopez, 60 anyos at tubong Tambobong Baguio Dist. Davao City.

Ayon sa biktima, papauwi na sana siya galing sa isang kasiyahan nang mabangga ng motorsiklo habang tumatawid sa Mc. Arthur Highway.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng otoridad, hindi naman mabilis ang takbo ng motorsiklo ngunit madilim ang kalsadang pinangyarihan ng aksidente kaya’t hindi na nagawang iwasan ng motorcycle rider si Lopez.

Agad namang binigyan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue ang tinamong sugat sa ulo ng biktima at pagkatapos ay isinugod sa Southern Philippines Medical Center.

Samantala, isang lalaking hirap sa paglakad ang nadatnan ng UNTV News and Rescue Team sa Brgy. Carmen, Cagayan de Oro City pasado alas onse ng gabi noong Biyernes.

Ayon sa biktima na kinilalang si Alex Medyo, papauwi na sana siya sakay ng kanyang tricycle ng isang taxi ang biglang sumulpot sa kanyang gilid habang binabagtas ang Zayas St.

Tinangka umano niya itong iwasan ngunit napunta siya sa kabilang lane at dito na nabangga ng kasalubong na Toyota Hilux pagkatapos ay nabangga pang muli ng kasunod nitong kotse.

Nagtamo ng sugat  sa kaliwang kamay at kanang binti at iniinda rin ang pananakit sa kanyang kanang tuhod na agad nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue.

Tumanggi naman itong magpadala sa ospital pagkatapos.

 

( Dianne Ventura / UNTV Correspondent )

Tags: , ,