Muli na namang dumipensa si Tanauan City Mayor Antonio Halili sa mga kumokontra sa kaniyang paraan ng pagbibigay babala sa kaniyang mga nasasakupan patungkol sa mga nangyayaring kriminalidad sa kaniyang lugar.
Ito ay matapos na hindi nakaligtas ang isang suspek sa pambubudol umano sa ilang tao sa syudad.
Pinaglakad ng alkalde ang suspek na kinilalang si Philip Reales sa paligid ng palengke ng Tanauan na may dalang karatula na nakalagay ang mga salitang “Ako’y Budol-Budol, Huwag Tularan”
Ayon kay halili, apat na ang nabiktima ng suspek na lumapit sa kaniyang opisina.
Ang modus operandi umano ng suspek, aalukin ang isang tao na makapag-loan sa bangko.
Magkukunwari umano ito na siyang mag-aayos ng papeles upang makapangutang ang mga biktima ngunit hihingian ang mga ito ng pera para umano sa paglalakad ng mga dokumento.
Aminado naman ang suspek sa paratang. Sa ngayon ay hawak na ito ng Tanauan City police.
Samantala, handa umano si Mayor Halili kung sakaling sampahan ng reklamo ng CHR sa kaniyang pagdisiplina sa mga suspek.
Matatandaang una nang nakilala si Mayor Halili sa pagpaparada sa mga kriminal sa isang bahagi ng syudad suot ang mga karatula ng babala tungkol sa kanilang mga nagawang krimen
( Vincent Octavio / UNTV Correspondent )
Tags: budol-budol, modus operandi, Tanauan