Lalaking binato ng hollow block sa Cagayan de Oro City, tinulungan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | February 20, 2018 (Tuesday) | 4020

Sugatan ang trenta’y uno anyos na si Ariel Jadman ng datnan ng UNTV News and Rescue Team sa Macabalan Police Station 5 sa Cagayan de Oro City matapos batuhin ng hollow block ng kaniyang kamag-anak, Lunes, Pebrero 19.

Ayon kay Jadman, ikinagalit umano ng kaniyang kamag-anak ang pag-vivideoke niya hanggang ala una ng madaling araw kaya ito binato. Matapos malapatan ng first aid ay tumanggi ng magpadala sa ospital si Ariel.

Samantala, nadatnan rin ng UNTV Rescue sa naturang istasyon ng pulis si Rodnie Fernandez na sugatan ang kaliwang kamay.

Ayon kay Fernandez, sinundan siya pauwi ng isang grupo ng mga lalaki pagkatapos niyang kausapin ang nadaanang umiiyak na babae. Pagdating sa kanilang bahay, nagpumilit umanong pumasok sa kanilang gate ang mga lalaki hanggang humantong sa pagkakasaksak sa biktima sa kamay.

Agad nagtungo sa istasyon ng pulis si Fernandez para magsumbong. Matapos malapatan ng first aid ay dinala na ng UNTV News and Rescue Team sa Northern Mindanao Medical Center ang biktima.

Samantala, hirap kumilos, namamanhid ang kaliwang paa at masakit ang likod ng datnan ng UNTV News and Rescue Team si Norma Carvajal sa isang bahagi ng Visayas Avenue, Quezon City.

Bugbog sa katawan naman ang inabot ni Jayson Bachuahon matapos mabundol ng isang kotse ang kanilang sinasakyang motorsiklo. Agad nilapatan ng first aid ng grupo ang mga biktima at pagkatapos ay dinala sa East Avenue Medical Center.

Handa namang sagutin ng driver na si Melchor Valencia ang pagpapagamot sa mga biktima. Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to physical injury ang driver dahil sa insidente.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,