Lalaking biktima ng pambubugbog sa Bacolod City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | August 28, 2017 (Monday) | 3253

 

May sugat sa ulo at gasgas sa kaliwang tuhod si Peter Clanaria, 23 anyos nang madatnan ng UNTV News and Rescue Team sa Bacolod City Police Station 6 alas tres noong Sabado ng madaling araw.

Ayon sa mga pulis, nag-iinuman ang biktima at mga barkada nito sa isang tindahan nang bigla silang lapitan ng mga hindi pa nakikilalang kalalakihan at binugbog.

Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang tinamong sugat ng biktima at inihatid sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.

Hindi naman nasugatan ang kasamahan ng biktima dahil agad nakatakbo ang mga ito. Pinaghahanap na ng mga pulis kung sino ang mga may kagagawan sa pambubugbog.

Samantala, nadatnan naman ng UNTV News and Rescue Team pasado alas onse noong Biyernes ng gabi ang trenta y sais anyos na si Irish Borja na iniinda ang pamamaga ng mukha at posibleng deformity sa ilong. Siya ay taga Bonbon, Cagayan de Oro City.

Ayon sa biktima, sinuntok siya ng kanyang kasintahan matapos na may mabasa sa kanyang cellphone. Hindi naman sinabi ng biktima kung ano ang nabasa ng kanyang kasintahan na dahilan ng pananakit nito.

Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang biktima at pagkatapos ay dinala sa Jr. Borja City Hospital.

Dinampot naman ng mga pulis ang suspek na kinilalang si Ernie Mawang.

 

(Macky Libradilla / UNTV Correspondent)

Tags: , ,