Lalaking biktima ng motorcycle accident sa Cagayan de Oro City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | April 23, 2018 (Monday) | 5633

Gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at pananakit ng kaliwang paa ang iniinda ng isang motorcycle rider matapos mabangga ng isa pang motorsiklo sa Kauswagan Hiway, Pelaez Blvd. Cagayan de Oro City, Sabado ng madaling araw.

Ayon sa asawa ng biktima na si Anthony Arias na angkas sa motorsiklo, binabaybay nila ang Marcos Bridge ng bigla na lamang nag-overtake ang isang motorsiklo na mabilis ang takbo.

Nasagi umano nito ang motorsiklo nila kaya natumba sa kalsada. Agad naman nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang tinamong pinsala ni Anthony at saka dinala sa Northern Mindanao Medical Center.

Wala namang tinamong sugat ang asawa ng biktima at maging ang nakabanggang rider at mga angkas nito.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad kung sino ang dapat managot sa insidente.

Samantala, dinatnan ng UNTV News and Rescue Team ang isang lalaking biktima ng aksidente na nakahiga sa gilid ng Circumferential Road, Lopues East sa Bacolod City pasado alas dose ng madaling araw noong Sabado.

Kinilala ang biktima na si Edelberto Balayo Jr., 32 taong gulang.

Ayon sa mga otoridad, lango sa alak ang biktima kaya naman nang maglakad mag-isa sa elevated footwalk ay natumba ito patungo sa gilid ng kalsada.

Nagtamo ang biktima ng hiwa sa kanang bahagi ng ulo at gasgas sa kanang siko.

Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang tinamong sugat ng biktima at dinala sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,