Lalaking biktima ng motorcycle accident sa Bacolod City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | September 4, 2017 (Monday) | 1866

Duguan ang ulo at nakahiga sa gitna ng kalsada ang 26 anyos na si Donald Aguanta nang datnan ng UNTV News and Rescue Team sa brgy. Tangub, Bacolod City pasado alas onse ng gabi noong Sabado.

Ayon sa biktima, tinangka niyang mag-overtake sa pampasaherong jeep ngunit bumangga siya sa Center Island. Nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima na magkatuwang na nilapatan ng first aid ng UNTV News and Rescue Team at Riders Alliance of Responders. Pagkatapos ay inihatid na si Aguanta sa Corazon Locsin Montelibano, Memorial Regional Hospital.

Samantala, nagtamo naman ng galos sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at iniinda ang pananakit ng kanang dibdib ng bente otso anyos na si Hermilito Huralbar matapos mabangga ng elf truck ang kaniyang sinasakyang taxi mag-aalas dos ng hapon noong Sabado.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nawalan umano ng preno ang truck kaya bumangga ito sa taxi. Agad binigyan ng pang unang lunas ng UNTV News and Rescue ang biktima at isinugod sa Southern Philippine Medical Center.
(Lalaine Moreno / UNTV Correspondent)

 

Tags: ,