Itinuturong mastermind sa pagpatay sa race car driver na si Enzo Pastor, na-aresto ng NBI sa Cavite

by Radyo La Verdad | December 4, 2015 (Friday) | 1945

benedict_enzo
Naaresto na ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation si Domingo “Sandy” De Guzman III, ang itinuturong suspek sa pagpatay sa international race car driver na si Ferdinand “Enzo” Pastor.

Ayon kay NBI NCR Chief Atty.Max Salvador, nahuli si De Guzman sa tinutuluyan niyang hotel sa Dasmarinas, Cavite pasado alas syete kagabi.

Isang tip umano ang natanggap ng NBI noong nakaraang linggo tungkol sa pinagtataguan ni De Guzman.

Buong linggong minanmanan ng mga operatiba ng NBI ang lugar hanggang sa magsagawa ng operasyon kagabi na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Ikinatuwa naman ni Tom Pastor ang ama ni Enzo Pastor ang pagkakahuli sa kay De Guzman, nagpasalamat sila dahil isa sa prime suspek sa pagpatay sa kanyang anak ang hawak na ng otoridad na makatulong sa pagusad ng kaso.

Nagtago si De guzman nang iutos ng Quezon City Regional Trial Court ang pag aresto sa kanya nitong nakaraang Agosto kaugnay ng kanyang kasong murder.

Nananatili namang at large ang asawa ni Enzo Pastor na si Dahlia Guerrero na nahaharap naman sa kasong parricide.

Sinasabing karelasyon ni De Guzman si Dahlia at kasabwat umano sa pagpaslang sa kanyang asawa.

Tumanggi nang magbigay ng anumang pahayag si de guzman at sinabing haharapin niya nalang ang kaso sa korte.

Nitong Setyembre, nag alok ng 1-million pesos na reward money ang pamilya Pastor para sa ikadarakip nina De Guzman at Guerrero.(Benedict Galazan/UNTV Correspondent)

Tags: , , ,