Lalaki na nabundol ng motorsiklo sa Davao City, tinulungan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | October 8, 2018 (Monday) | 4560

Duguan ang ulo at nakahandusay sa daan ang lalaking ito nang datnan ng UNTV News and Rescue sa may Buhangin Gym sa Davao City matapos mahagip ng motorsiklo kaninang mag alas dose ng hating gabi. Kinilala ang biktima na si Jimmy Mater, trenta y kwatro anyos.

Agad nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue ang sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ni Mater at pagkatapos ay dinala na ito sa Southern Philippines Medical Center.

Ayon sa biktima, tumatawid siya sa kalsada kasama ang mga barkada nito nang matalisod sa kalsada at mahagip ng paparating na motor.

Ayon sa pulis, lasing umano ang biktima nang tumawid sa kalsada. Patuloy namang pinaghahanap ng mga pulis ang driver ng motorsiklo na nakabangga kay Mater.

Samantala, nagtamo ng gasgas sa magkabilang tuhod at kamay si Jennylyn Canete matapos bumangga kagabi sa isang concrete barrier sa Ouano Avenue, Mandaue City, Cebu ang kanilang sasakyan.

Agad na nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue ang mga sugat ng biktima at pagkatapos nito ay tumanggi na siyang magpadala sa ospital.

Pamamaga naman sa kanang kamay ang tinamo ni Aldren Gabunada matapos mabangga ng taxi ang kanyang motorsiklo sa Legazpi St. corner Lapu Lapu St., Cebu City kaninang pasado alas dose ng madaling araw.

Idinadaing ni Aldren ang pananakit sa kaliwang tagiliran matapos tumama sa manibela ng kanyang motorsiklo.

Agad na binigyan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang biktima at dinala sa Cebu City Medical Center upang masuri ng doktor.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang aksidente.

 

( Dianne Ventura / UNTV Correspondent )

Tags: , ,