Lalakeng dating nasagip ng UNTV News and Rescue, gustong sumabak sa rescue training

by Radyo La Verdad | November 6, 2017 (Monday) | 8433

Hindi kailanman malilimutan ni Jhay-ar Lalis ang minsang pagkakataong siya’y nalagay sa bingit ng kamatayan.

Mayo taong 2014 nang maaksidente ang motorsiklong sinasakyan ni Jhay-ar sa Regalado Avenue, Quezon City habang pauwi ng bahay galing sa pinapasukang restaurant kung saan siya ay isang crew. Sa tindi ng impact ng pagkabangga, kritikal ang naging kondisyon ni Jhay-ar.

Ngunit dahil sa mabilisang pagtugon ng UNTV Rescue Team ay nalapatan siya ng paunang lunas at naitakbo sa ospital.

Nang pagkakataong iyon, matindi ang pag-aalala ng kanyang maybahay na si Hanna Joy Remolacio.

Lalo pa’t apat na buwan siyang nagdadalang-tao sa kanilang unang anak. Tatlong taon ang nakalipas, malakas na ang pangangatawan at isa nang taxi driver si Jhay-ar.

Ngunit hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa kanya ang pangyayari. Naging inspirasyon sa kanya ang ginawa ng UNTV kaya’t kung may pagkakataon ay nais din niyang matuto ng first aid at rescue.

Ngayon, tuloy pa rin ang biyahe sa buhay ni Jhay-ar kapiling ang kaniyang asawa at dalawang anak. Malaki ang pasasalamat niya sa Dios sa mga instrumento upang mabigyan ng isa pang pagkakataon para mabuhay at makasama ang mga mahal sa buhay.

Ang UNTV Rescue ay nabuo noong 2010, ito ay mula sa adbokasiya ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon na “Tulong Muna Bago Balita”.

Sinomang nangangailangan ng agarang tulong sa panahon ng sakuna ay maaaring tumawag sa 911-UNTV.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,