Lalake na kalalabas lang ng rehabilitation center patay sa pamamaril

by Radyo La Verdad | July 27, 2017 (Thursday) | 2184


Dead on the spot ang isang lalake matapos barilin ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek sa Barangay Paciano Calamba, Laguna pasado alas kwatro ng hapon kahapon.

Kinilala ang biktima na si Alejandro Trinos Relloso isang dating drug dependent na kalalabas lamang ng rehabilitation center.

Ayon sa mga saksi sakay ng motorsiklo ang mga suspect na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril. Iniimbestigahan na ng Calamba Police ang pagkakakilanlan sa mga suspect at ang motibo ng pagpatay sa biktima.

Samantala, patay naman sa sunog ang isang apat na buwang buntis sa isang residential area sa Brgy. Singko Calamba, Laguna kahapon.

Ayon sa mga residente sa lugar nakalabas na sa nasusunog nilang bahay ang 23 anyos na biktima na si Veronica Cruzada. Ngunit bumalik pa umano ito sa loob ng bahay upang kunin ang naiwang pera at mga dokumento nito na gagamitin sa kaniyang nalalapit na kasal.

Mabilis umanong lumakas ang apoy at kumapal ang usok dahilan at hindi na makalabas ang biktima.

Inaalam pa ang sanhi nang sunog na tumagal ng isang oras bago idineklarang fire out ng mga bumbero.

(Sherwin Culubong / UNTV Correspondent)

Tags: , ,