Naging inspirasyon sa mga kabataan lalo na sa panahon ngayon ang ipinamalas na pagsusumikap ng isang mag-aaral sa General Santos City, upang makakuha lamang ng self-learning modules sa gitna ng pandemya.
Si Jeraldine Salawa, Grade 9 student, ay naisipang magdala ng kabayo at ilulan ang kaniyang mga nakababatang pinsan at kapitbahay upang makapunta sa kanilang paaralan.
“Ako sana magsakay Ma’am, pero maawa man ako sa kanila kay maliit pa sila. Gusto ko rin po talaga magpunta sa paaralan para magtanong sa kay Ma’am Kitay (Juditha Crizelia Kitay- Grade 9 Adviser) sa mga aralin na hindi ko maintindihan,” pahayag ni Jeraldine Salawa, Grade 9 student.
Ayon sa Colot S. Aligado IP School, si Jeraldine ay panganay sa tatlong magkakapatid at kasalukuyang nakikitira sa tiyahin at lola dahil sila’y pawang ulila nang lubos.
Namatay ang kanilang ama noong si Jeraldine ay maliit pa, at pumanaw naman ang kanilang ina ng nakaraang taong 2020.
Ngunit sa halip na panghinaan ng kalooban, ay lalong ninasa pa ni Jeraldine ang makapagtapos ng pag-aaral upang matulungan ang 2 nakababatang kapatid.
Naging lakas ito ni Jeraldine sa kaniyang mga pagtawid sa ilog ng Siguel at paglalakbay ng 3 hanggang 5 kilometro habang tirik na tirik ang araw upang makapag-aral.
Naisipan ni Jeraldine na kusang kunin ang kanilang self-learning modules dahil naghahanapbuhay ang kanilang tiyahin at lola upang matustusan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan.
Ikinatuwa naman ng punong-guro ng paaralan na si Rosita M. Balunto ang pagkukusang-loob ni Jeraldine at pagpupursige sa kabila ng kaniyang mga pinagdaanan, para makapagpatuloy ng kaniyang pag-aaral sa ilalim ng “new normal.”
(Raymund David | La Verdad Correspondent)