Lahat ng PUPC, nasa ilalim ng visitation rules – PNP

by Radyo La Verdad | September 5, 2022 (Monday) | 930

METRO MANILA – Ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo (August 28) na lahat ng Persons under PNP Custody (PUPC), maging ang dating senador na si Leila de Lima ay nasa ilalim ng mahigpit na visitation rules.

Ayon kay Director ng PNP-Headquarters Support Service Col. Mark Pespes, hindi ipinagkakait ang karapatang konstitusyonal ng mga PUPC ukol sa pagbisita, ngunit nararapat na sakop ito ng PNP Memorandum Circular 2018-02.

Hindi pinahintulutan ang request ng pagbisita ng mga kaibigan ni former senator De Lima para sa ika-63 na kaarawan niya nitong August 27 dahil hindi ito umabot deadline ng pagpasa. Nararapat na ipasa ang submission of written request 10 working days bago ang takdang araw ng pagbisita ayon sa Paragraph 6 ng PNP memorandum.

Naisumite lamang nila ito gabi ng August 22, limang araw bago ang pagdalaw at ang pinahintulutan lamang ay ang pamilya ni De Lima.

Ayon kay Pespes, alam ito ng dating senador at kanilang ipinaalam sa kaniya ang denial ng request dahil hindi umabot sa takdang panahon.

(Ritz Barredo | La Verdad Correspondent)