Lahat ng lugar sa Pilipinas, nasa ilalim pa rin ng community quarantine – DILG

by Radyo La Verdad | May 13, 2020 (Wednesday) | 9961

METRO MANILA – Taliwas sa unang inanunsyo kahapon, (May 12), binawi na ng Duterte administration ang unang desisyon nito na alisin sa community quarantine ang low risk areas sa coronavirus disease.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, ito ay matapos na umapela ang mga local officials na ibalik sila sa community quarantine dahil sa pangambang muling kumalat ang Covid-19 sa kanilang nasasakupan.

Kaya sasailalim na sa Modified General Community Quarantine partikular na ang walong rehiyon, 37 probinsya, 11 syudad kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region (BARMM) simula May 16.

“Wala na po tayong areas sa buong Pilipinas na ‘di under ng community quarantine, iba-iba lang pong level, ito pong low risk ay mapupunta na sa modified community quarantine,” ani Sec. Eduardo Año, DILG.

Inaaasahan namang ilabas ng inter-agency task force kontra Covid-19 ang mga panuntunang dapat sundin ng ma lokal na pamahalaan kaugnay ng MGCQ areas.

Ayon sa Malacanang, bago magkaroon ng tinatawag ng new normal,  iba-iba ang level ng community quarantine na ipatutupad depende sa bilang ng kaso Covid-19: enhanced community quarantine, modified enhanced community quarantine, general community quarantine, at modified general community quarantine.

(Rosalie Coz)

Tags: , ,