Lagundi nakatutulong umano para magamot ang mild COVID-19 symptoms

by Erika Endraca | July 1, 2021 (Thursday) | 4114

METRO MANILA – Natapos ng Department of Science and Technology ang clinical trial ng herbal medicine na lagundi bilang gamot laban sa mga sintomas ng COVID-19.

“Kung maganda ang resulta, ito ay inaasahan namin na ire-recommend ng ating DOH, at pwede rin ituloy ang trial trials para sa mga moderate cases”ani DOST Sec. Fortunato Dela Peña.

Nasa 278 ang mga pasyenteng may mild COVID-19 ang lumahok dito na hinati sa 2 grupo.

Pinainom ng lagundi ang mga pasyente sa unang grupo, habang ang isa naman ay tumanggap lamang ng placebo o tableta at injectibles.

Ayon sa DOST, lumabas sa pag-aaral na nakatutulong ang nasabing halamang gamot upang malunasan ang mga sintomas ng isang paseyente may mild COVID-19 case.

Batay sa obserbasyon ng mga eksperto tumatagal lamang ng nasa 7-8 araw bago gumaling ang mga sintomas.

“Ang pagkakaiba lang po nila, unang-una yung mga nag lagundi madaling nagbalik yung kanilang pang amoy, kasi isa po sa mga sintomas ay yung pagkawala ng panlasa, pagkawala ng pang amoy ubo, masakit na lalamunan, lagnat nahihirapan huminga..” ani DOST Sec. Fortunato Dela Peña.

Gayuman nilinaw ng DOST, na supplement lamang ang lagundi upang malunasan ang mga sintomas, at hindi nito kaya mapagaling ang COVID-19.

Ipinunto rin ni Secretary Dela Peña na magkaiba ang epekto ng lagundi sa proteksyong maibibigay ng bakuna.

“Ito po’y gamot at hindi prevention,ang kainaman nitong lagundi easily available mura at galing sa ating sariling halaman” ani DOST Sec. Fortunato Dela Peña.

Samantala, posible na ring ilabas ng DOST sa susunod na buwan ang resulta ng clinical trial ng virgin coconut oil o vco bilang pangontra sa COVID-19

Sa oras na maaprubahan ang resulta ng clinical trial inaasahang irerekomenda ito ng Department of Health sa mga medical expert bago opisyal na magamit bilang lunas sa mga sintomas NG COVID-19.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,