Gamit ang dalawang k-9 dogs, nagsagawa ang Calabarzon police at Laguna Provincial Police Office noong a otso ng Pebrero ng search and retrieval operation sa lugar kung saan huling nakita si PO2 Jonathan Galang. Ngunit matapos ang tatlong oras, bigo silang mahanap ang nawawalang pulis na hinihinalang patay na.
Sa pahayag ni PO2 Gerald Bonifacio, ang pulis Sta. Maria na huling kasama ni PO2 Galang bago ito nawala, iniwan niya si PO2 Galang sa isang lugar sa Siniloan, Laguna matapos niya itong sunduin sa Mabitac Police Station noong Enero a siyete. Pero duda sa pahayag na ito ang mga kaanak ni PO2 Galang.
Kita sa mga nakolektang CCTV footage ang pagsundo ni PO2 Bonifacio kay PO2 Galang pasado alas diyes ng Linggo ng umaga, maging ang mga dinaanan nilang lugar. Pasado alas onse ng umaga makikita naman sa kuha ng CCTV na nag-iisa na lang si P02 Bonifacio na sakay ng kaniyang motorsiklo.
Ayon sa pamilya ni PO2 Galang, may kinalaman sa droga ang pagkawala ng kanilang kaanak na isang intel operative at member ng Provincial Anti-Illegal Drug Special Operations Task Force.
Bago aniya mawala si PO2 Galang, napansin nila na malungkot ito sa kabila na kaarawan noon ng kanilang ama.
Ikinasama rin ng loob noon ng mga kaanak ni PO2 Galang ang hindi pagpansin sa kanila ng hepe ng Mabitac police na si PSI Reymund Austria nang ipa-blotter ang insidente.
Dahil hindi sila binibigyan ng pansin sa Mabitac Police Station ay dumulog na sila sa National Bureau of Investigation at Laguna Provincial Police o PPO upang ipaalam ang nangyari dito. Dito na sila kinunhanan ng pahayag at nag-imbestiga.
Sa ngayon, may binuo ng special investation task group ang Regional Police Office 4-A
Ayon kay PSSupt Marvin Saro ng Police Community Relations Group at host ng programang “Pulis at Ur Serbis, Aksyon agad” sa Radyo La Verdad 1350, hindi nila pababayaan ang kaso ni PO2 Galang.
Sa ngayon, nasa kustodiya si PO2 Bonifacio ng Provincial Police Office Laguna habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Nanawagan naman ang kaanak ni PO2 Galang sa nakakaalam at makakapagbigay ng impormasyon sa kaso ni Po2 Galang. Maaari po kayong makipag ugnayan sa UNTVAction Center sa mga sa numerong 441-6254 o 441-6255.
( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )
Tags: Laguna police, PO2 Galang, UNTVAction Center