DOLE Sec. Bello, positibo ang pananaw na makaka-ahon ang bansa pagkatapos ng 2 linggong lockdown

by Erika Endraca | August 9, 2021 (Monday) | 2506

METRO MANILA – Positibo si Labor Secretary Silvestre Bello III na makaka-ahon ang bansa pagkatapos ng isinasagawang 2 Linggong lockdown sa pamamagitan ng ginagawang mga tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang maproteksyunan at matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa sa ilalim ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula nitong August 6.

Ayon sa pahayag ni Sec. Bello, aasahan ang pagbaba ng employment rate at pagtaas ng unemployment rate dahil sa lockdown ngunit malaki ang tiwala nito na makaka-ahon ang bansa pagkatapos nito.

Samantala, P2-B naman ang hininging supplemental budget ni Bello mula sa Department of Budget and Management upang matugunan ang amelioration program ng DOLE na COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP.

Bilang tugon para sa mga displaced employee, ang CAMP ay tumatayong ‘safety net’ na nagbibigay ng tulong pinansyal para sa mga apektadong manggagawa mula sa mga pormal at impormal na sektor sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa mga ito habang binabayaran ayon sa minimum wage na umiiral sa kani-kaniyang rehiyon.

Pabibilisin rin ang pagsasagawa ng mga programa ng DOLE upang masigurado na ang mga displaced workers ay mayroon pa ring pagkakakitaan at upang mapigilan sa tuluyang pagkawala ng trabaho.

Inaasahan naman ng DOLE na makakatanggap ang ahensya ng mga application form na nagnanais na makakuha ng one-time cash assistance program dahil sa muling pagpapatupad ng ECQ sa rehiyon ng NCR.

(Evangelyn Alvarez | La Verdad Correspondent)

Tags: ,