Nanindigan si Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi siya magsusumite ng resignation kay Pangulong Duterte sa gitna ng mga alegasyong ipinupukol sa kaniya.
Giit ni Bello, walang basehan ang pagdawit sa kaniya sa isyu ng umano’y pangingikil ng 6.8 bilyong piso sa mga employment agencies.
Ayon sa kalihim, bahagi lamang ito ng demolition job lalo na’t lumapit na sa kaniya ang itunuturong nagsumite ng affidavit laban sa kaniya at may-ari ng Azzizah International Manpower Services na si Azzizah Salim.
Lumalabas aniya sa pinirmahang affidavit ni Azzizah na mayroon umanong pumeke sa kaniyang pahayag at idinawit ang kalihim.
Pinabulaanan din ng kalihim ang isyu kaugnay ng alegasyon sa kaniya ni Acts OFW Representative John Bertiz III kaugnay ng paniningil ng iDOLE card sa mga OFW. Itinanggi rin ni Bello na nangolekta siya ng 720 piso sa bawat card.
Upang resolbahin ang isyu at maiayos ang sistema, pansamantala munang pinapatigil ng kalihim ang paggawa at pag-isyu ng iDOLE card.
Samantala, tukoy na aniya ng kalihim kung sinu-sino ang mga naninira sa kaniya sa loob at labas ng DOLE at nagnanais na magpatalsik siya sa pwesto.
Natataon pa aniya ang mga isyu ngayong isa siya sa mga nominado bilang susunod na Ombudsman.
Hinamon pa ni Bello ang lahat ng mga naninira sa kaniya na maghain ng reklamo sa korte at patunayan kung totoo ang mga alegasyon.
Sa huling pag-uusap aniya nila ni Pangulong Duterte, pinayuhan siya nito na huwag na lang pansinin ang mga naninira sa kaniya.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: iDOLE, Labor Sec. Silvestre Bello III, Pangulong Duterte