Labor groups, hindi pabor na ipaubaya sa Kongreso ang pagsusulong ng batas kontra kontraktwalisasyon

by Radyo La Verdad | April 20, 2018 (Friday) | 3649

Pinaasa lamang sila ng pamahalaan, ito ang hinaing ng ilang labor groups matapos ianunsyo kahapon ng Malacañang na walang ilalabas na executive order ang palasyo kontra kontraktwalisasyon.

Ayon sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), hindi sila sang-ayon na ang Kongreso na lamang ang magsusulong ng batas kontra kontraktwalisasyon.

Ayon naman sa Gabriela party-list, lalo lamang pinapalawak ang kontraktuwalisasyon sa bansa ng ipinasa ng Kamara na panukalang batas kaugnay ng endo.

Nanindigan naman si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga panukalang nakahain sa Kongreso, mas magkakaroon ng ngipin ang pamahalaan na magpataw ng parusa sa mga masasangkot sa kontraktwalisasyon.

Ayon kay Bello, sa mismong Labor Day ay may iaanunsyo naman ang pangulo na regalo para sa lahat ng manggagawa.

Samantala, nakatakdang magpulong ang lahat ng labor group sa Sabado upang pag-usapan ang kanilang susunod na hakbang.

Isa na aniya rito ang malawakang kilos-protesta sa Labor Day upang kondenahin ang hindi paglagda ng pangulo sa EO laban sa kontraktuwalisasyon.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,