Labor groups, dismayado sa kinalabasan ng pakikipagpulong kay Pang. Duterte

by Radyo La Verdad | February 9, 2018 (Friday) | 2779

Hindi kuntento ang ilang labor groups sa nangyaring pakikipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang Kagabi.

Hindi nila nahikayat si Pangulong Rodrigo Duterte na lagdaan ang isang executive order na magpapatigil sa kontraktwalisasyon sa bansa.

Ayon kay Kilusang Mayo Uno Chairman Elmer Labug, pinaasa lamang anila sila sa pag-aakalang malalagdaan na ang matagal na nilang hinihinging executive order na tuluyan ng magpapatigil sa kontraktwalisasyon sa bansa.

Kasama sa pagpupulong ang Nagkaisa Labor Coalition, Associated Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines, Kilusang Mayo Uno, Sentro, Federation of Free Workers at Partido Manggagawa.

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, humihiling pa ng palugit si Pangulong Duterte bago maglabas ng kautusan na magpapatigil sa endo.

Nais ng Pangulo na mabalanse ang kapakanan ng mga mangagawa at maging ng mga kapitalista. Ngunit pangamba ng labor groups, baka lumabnaw na daw ang pag-asang mapirmahan ang nasabing EO kapag patuloy itong mabinbin sa Malacañang.

Ipinauubaya naman na ng Employers Confederation of the Philippines sa Pangulo ang desisyon sa kaugnay sa naturang EO.

 

( Rajel Adora / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,