Iva-validate pa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang lahat ng record o impormasyon ng lahat ng mga empleyado ng Jollibee Foods Corporation upang matiyak na regular na sila sa trabaho.
Ito ay bunsod ng mga lumabas na ulat na sumulat umano ang Jollibee sa Philippine Stock Exchange (PSE) na lahat ng kanilang empleyado ay regular na at kumpleto sa mga benepisyo gaya ng 13th month pay, paid leaves at health insurance.
Ayon kay Labor Undersecretary Joel Maglunsod, kukumpirmahin muna nila ito lalo’t may nakabinbin pang apela ang Jollibee sa kautusan ng DOLE nitong Abril na gawing regular ang halos 7,000 nilang manggagawa. Batay sa ulat ng DOLE, nangunguna ang Jollibee sa listahan ng pinakamaraming kontraktwal na manggagawa.
Samantala, dismayado ang Makabayan Bloc sa patuloy na pagdami ng mga manggagawang tinatanggal sa trabaho ng mga malalaking kumpanya.
Ayon kay Anakpawis Partylist Representative Ariel Casilao, umabot na sa halos dalawandaang libo ang mga manggagawang tinanggal ng malalaking kumpanya base sa kanilang datos.
Kabilang na rito ang Jollibee, Nutri Asia, PLDT, Monde Nissin, Honda Parts, Magnolia, Coke, Alaska Milk at iba pa mula nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order number 5.
Lalo na pa aniyang tumitindi ang interes ng mga kapitalista at hindi naman tinutupad ng Pangulo ang kanyang pangako na mare-regular ang lahat ng mga kontrakwal na manggagawa.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: contractual employees, DOLE