Labor group, pinaiimbestigahan na sa DOLE ang ilang kumpanyang nagpapatupad ng No Vaccine – No Pay Scheme

by Radyo La Verdad | October 19, 2021 (Tuesday) | 8022

METRO MANILA – Ipinasa na ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang ulat na may ilang kumpanyang nagpapatupad ng no vaccine, no salary scheme.

Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, dapat na itong imbestigahan ng DOLE dahil may ilang manggagawa na nagrereklamo sa kanila ukol sa pangiipit sa kanilang sweldo.

“Meron kasi kaming natanggap na report at ipinasa na namin ito sa Department of Labor and Employment na nagsusumbong sa amin yung mga manggagawa at sinasabi nila hindi raw sila pinapasahod at hindi ibinibigay ang kanilang sahod hanggang hindi sila nagpapakita ng complete vaccination card dun sa kanilang employer” ani ALU-TUCP Spokesperson, Alan Tanjusay.

Paliwanag ni Tanjusay bukod sa paglabag ito sa labor code, labag rin sa karapatang pantao na ipitin ang sahod ng isang mangggawa dahil lamang sa hindi siya bakunado.

Sagot naman ni Labor Department Secretary Silvestre Bello III, kailangan nila ang pangalan at detalye ng kumpanyang nagpapatupad ng naturang ilegal na gawain.

Handa naman ang ALU-TUCP na magbigay ng detalye pero dapat mag-issue rin anila ang DOLE ng isang advisory o panuntunan para maiwasan ang pagkalat ng no vaccine, no salary scheme.

Ayon naman sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz Luis Junior, hindi nila kukunsitihin ang kanilang mga miyembro sa ganitong ilegal na gawain.

“We do not subscribe to that aside from being illegal very possible its a immoral walang valid medical reason why they should do that” ani ECOP President, Sergio Ortiz-Luis Jr.

(Marc Aubrey Gaad | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,