Pasado alas-otso kaninang umaga nang mabulabog ang mga trabahador sa isang construction site sa barangay Sta. Cruz, Antipolo City.
Ito ay dahil gumuho ang lupa kung saan itinatayo ang isang gusali at natabunan ang ilang construction worker.
Sa ulat ng Antipolo City Rescue, tatlo ang namatay habang dalawa naman ang nakaligtas.
Unang naiahon ang bangkay nina Rene at Darwin Villegas habang mag-a-alas tres na ng hapon nang ma-rekober ang labi ni Titeng Villegas.
Naging pahirapan ang retrieval operations dahil nadaganan ang mga biktima ng mga semento at naglalakihang mga bakal.
Napag-alamang magpi-pinsan ang tatlo at magkakasamang nagta-trabaho nang mangyari ang insidente.
Ang dalawa namang nakaligtas na sina Frazier Gulay at Jessie Lorga ay isinugod sa ospital.
Sinasabing ang paglambot ng lupa ang dahilan ng insidente, ngunit patuloy pa itong iniimbestigahan ng mga otoridad.
Batay sa dokumentong naka-paskil sa site, two-storey residential building ang itinatayo sa lugar at pag-aari ito ng isang Jacinto Catipay.
Sa ngayon ay wala pang ibinibigay na pahayag ang may-ari at operator ng construction project.
(Gary Perez / UNTV Correspondent)