Labi ng 2 batang nasawi dahil sa dengue matapos mabakunahan ng Dengvaxia sa Bataan, hinukay ng PAO Forensic Team

by Radyo La Verdad | January 12, 2018 (Friday) | 5756

 

Nagtungo sa lalawigan ng Bataan ang grupo ng Public Attorney’s Office sa pangunguna ni Atty. Persida Acosta kasama ang ilang forensic expert ng ahensya upang hukayin ang labi ng dalawang batang namatay matapos umanong mabakunahan ng Dengvaxia.

Unang pinuntahan at hinukay ng mga ito ang libingan ng grade 5 student na si John Paul Rafael sa bayan ng Bagac na namatay noong April 2016.

Ayon sa forensic expert, konting specimen sample lamang kanilang nakuha sa mga internal organ ni John Paul. Sinunod pinuntahan ng PAO ang bangkay ni Christine Mae de Guzman sa sementeryo ng Brgy.Cabcaben sa bayan ng Mariveles.

Ayon kay PAO Forensic Expert Dr. Erwin Erfe, nakuhanan nila ng maayos na specimen sample si Christine Mae.

Base sa kanilang paunang obserbasyon, kumalat ang mga dugo na nakita sa mga internal organ ng mga bata, ito na ang ika-pitong batang kinuhanan ng sample na kung saan ay pare-parehong nagkalat ang mga dugo sa mga internal organ.

Ayon sa PAO, posibleng matapos ang eksaminasyon sa mga sample sa loob ng isa hanggang dalawang linggo.

Naniniwala si PAO Chief Atty. Persida Acosta na malaki ang maitutulong ng resulta ng eksaminasyon sa mga biktima sakaling magsampa na sila ng kaso sa mga responsable sa Dengvaxia vaccination.

 

( Joshua Antonio / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,