Patay sa pananambang ang vice mayor ng Balaoan, La Union na si Alfred Concepcion at security escort nito na si Michael Ulep matapos tambangan kaninang umaga.
Samantala, sugatan ang anak nito at kasalukuyang alkalde ng Balaoan na si Aleli.
Batay sa imbestigasyon, lulan ang dalawa ng sasakyan mula sa kanilang bahay at patungo na sana sa munisipyo nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilang mga suspek dakong alas otso y medya ng umaga sa bahagi ng Luna Road, Barangay Cabuaan.
Agad itinakbo ang mga ito sa Balaoan District Hospital ngunit agad binawian ng buhay ang bise alkalde.
Sa ngayon ay naka-half mast ang bandila sa harap ng munisipyo ng Balaoan, La Union.
Bumuo na rin ng Special Investigation Task Group (SITG) ang PNP Region 1 na tututok sa kaso.
Ayon kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde, inaalam din ng mga pulis kung may mga banta na natatanggap ang mga ito bago ang nangyaring pananambang.
Kasama sa iimbestigahan ng SITG ay kung miyembro ng private armed group ang suspek sa pananambang at kung may pulitikong nag utos sa mga ito.
Kinundena ng Malacañang ang ginawang ambush sa La Union local chief executives. Inatasan na ang pambansang pulisya na imbestigahan ang naturang insidente at papanagutin ang mga nasa likod ng krimen.
( Toto Fabros / UNTV Correspondent )