Viral ngayon sa social media ang Kuwaiti beauty blogger na si Sondos Al-Qattan matapos niyang tuligsain sa kanyang video blog ang isyu ng pagbibigay ng day-off at ang pagbabawal sa mga Kuwaiti employer na hawakan ang passport ng mga Pilipinong nagta-trabaho bilang mga domestic helper sa kanilang bansa.
Umani ito ng sari-saring batikos hindi lamang sa mga Pilipino at foreign nationals, kundi maging sa mismong ilang kababayan ni Al-Qattan.
Bunsod nito, pinag-aaralan na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang pag-blacklist kay Al-Qattan sa pagkuha ng mga Filipino domestic helper.
Binigyang-diin ni POEA Administrator Bernard Olalia, na maliwanag ang naging labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait upang mapangalagaan ang mga karapataan at masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipinong nagta-trabaho sa Kuwait.
Kabilang na dito ang pagbibigay sa kanila ng rest day, sariling pag-iingat sa kanilang mga dokumento gaya ng passport, tamang pagpapakain at iba pa.
Nagbabala naman ang POEA sa iba pang mga foreign national na isasama sa kanilang blacklist ang sinomang magbabalewala sa labor agreement ng Pilipinas sa kanilang mga bansa.
Dahil sa isyu, napaulat rin na inihinto na ng ilang kumpanya ang kanilang endorsement deal kay Al-Qattan.
Sa twitter post ng isang London-based cosmetic, sinabi nito na aalisin na nila ang video ni Al-Qattan sa kanilang social media channels.
Sa kanyang panibagong video post, tumanggi si Al-Qattan na magbigay ng public apology sa kanyang ginawa. Nanindigan ito na hindi nya pinagsisisihan ang kanyang mga naging pahayag laban sa mga Filipino domestic helper.
Si Al-Qattan ay maroong mahigit sa dalawang milyong followers sa kanyang social media accounts at kilala dahil sa kanyang make-up tutorial videos.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: Al-Qattan, Filipino household workers, POEA