Nabigo si Health Secretary Francisco Duque III na makuha ang pagsang-ayon ng Commission on Appointments sa kaniyang nominasyon kahapon. Hindi aniya nakuntento ang mga mambabatas sa mga sagot ng kalihim sa ilang isyu, kabilang na dito ang isyu ng Dengvaxia vaccines.
Sinuspinde muna ng komite ang pagdinig upang bigyang pagkakataon ang kalihim na mapaghandaan ang mga tanong ng mambabatas.
Sa pagdinig kahapon, muling pinabulaanan ni Duque ang isyu na may mafia sa loob ng kagawaran. Binigyang-linaw din ng kalihim na walang nangyaring korapsyon o pagbulsa sa natipid na 550 million pesos sa pagbili ng anti-dengue vaccines. Pero hindi ito naging sapat upang makumbinse ni Duque ang mga miyembro ng CA.
Wala pang itinakdang petsa kung kailan muling didinggin ng CA ang nominasyon ni Duque bilang kalihim ng DOH.
Samantala, tatlong indibidwal ang nagpatala bilang oppositor sa nominasyon ni Duque, ito ay sina Dr. Nestor Dizon Jr., Anti-Trapo Movement of the Philippines Chairperson Leon Peralta at David Diwa. Subalit si Dizon at Peralta lamang ang dumalo sa pagdinig kahapon
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )