Nakapagtala na ng kumpirmadong kaso ng Omicron XE ang Thailand na kalapit bansa ng Pilipinas. Kalagitnaan din ng Marso nang unang makapagtala ng mga kaso nito sa United Kingdom.
Ayon kay DOH Technical Advisory Group Member at infectious diseases expert Dr. Edsel Salvaña, kasalukuyan pang inaaral ng World Health Organization ang kabuoan ng Omicoron XE kung ito ba ay mabibilang na omicron subvariant o bagong Covid-19 variant.
Naniniwala naman si Dr. Salvaña na hindi ito makaapekto sa bisa ng Covid-19 vaccines.
“There’s always a possibility that it can come in but we don’t expect it to be more severe and we don’t expect it to dodge vaccines any worse than BA.1 or BA.2,” pahayag ni Dr. Edsel Salvaña Member, DOH-TAG / Infecious Disease Expert.
Ayon pa kay Dr. Salvaña, mayroon ding Omicron XD at Omicron XF ngunit ang Omicron XE ang nagpapakita ng potensyal na mas nakahahawa kumpara sa umiiral na BA.2 omicron subvariant at iba pang omicron sublineages.
Ang Omicron XE ay recombinant o pinagsamang BA.1 at BA.2 Omicron subvariant.
“Mas-concerning ngayon is iyong XE, iyong XE kasi mukhang mayroong about a 10% growth advantage noong nakita nila. Itong mga recombinants na ito kung meron silang survivala advantage pwede silang kumalat at lumaganap sa iba’t ibang places,” dagdag pa ni Dr. Edsel Salvaña.
Sinabi naman ng DOH na kahit nagbukas ang turismo sa bansa, umiiral pa rin ang pre-departure testing, arrival health screening at community monitoring ng mga fully vaccinated na mga biyahero mula sa ibang bansa upang matiyak na walang sintomas ng sakit ang sinumang papasok sa bansa.
Kaugnay nito, muling hinikayat ng DOH ang publiko na kumpletuhin ang bakuna at magpabooster shot kontra Covid-19.
Batay sa datos ng DOH, 12. 2 million na ang may booster shots na mga Pilipino. Habang mahigit 46.8 million pa ang eligible na magpaturok ng kanilang booster dose at upang lalong mahikayat ang mga Pilipinong magpa-booster shot, iminungkahi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na lagyan ng expiration date ang vaccination cards.
“Isa po yan sa pinaguusapan namin ngayon, again inuulit ko ‘yung mga istratehiya sa policy side para yung tao maforce na magpabakuna or magpabooster at pangalawa ito ngang posibilidad na kung hindi ka pa nakakapag booster eh after 6 months eh automatic iyong vaxx card eh expire na,” ani Usec. Epimaco Densing, DILG.
Ayon sa DOH, sa ngayon ay tinatalakay pa ito ng pamahalaan.
Aiko Miguel | UNTV News
Tags: covid 19, OMICRON XE