METRO MANILA– Umabot na sa 140 ang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas. Samantala umakyat na rin sa 12 ang mga nasawi base sa tala ng Department Of Health (DOH).
Karamihan sa mga infected ng virus ay pawang mga Pilipino na nasa mahigit 100. Samantala nadagdagan pa ang mga lungsod na nakapagtala ng kaso ng COVID-19.
Kabilang sa mga ito ay ang Taguig; Rizal; Pasig;Marikina; Quezon City; San Juan; Manila City; Makati; Las Piñas; Parañaque; Mandaluyong at Antipolo City.
May mga infected na rin sa Tarlac; Porac, Pampanga; San Fernando Pampanga; San Jose Del Monte, Bulacan; Laguna; Cavite; Batangas; Lucena City; Camarines Sur; Negros Oriental; Cagayan De Oro City; Lanao Del Sur at Davao De Oro.
Sa buong mundo umabot na sa mahigit 156,000 ang kabuoang kaso ng COVID-19. Habang halos 6,000 na ang bilang ng mga nasawi.
Paalala ng DOH sa publiko upang makaiwas sa COVID-19 iwasang hawakan ang mukha lalo na ang mga mata, ilong at bibig. Ugaliin ang paghuhugas ng kamay o gumamit ng alkohol o sanitizer.
Takpan ang ilong at bibig kapag babahing at uubo. Magsuot ng face mask lalo na kapag mayroon respiratory symptoms.
At kung makaramdam ng anomang respiratory illnesses gaya ng sipon, ubo at hirap sa paghinga ay agad magpakonsulta sa doktor.
(Grace Casin | UNTV News)
Tags: Coronavirus Disease, Philippines