METRO MANILA – Patuloy na tumataas ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa labas ng Mainland China.
Sa pinakahuling tala mahigit 500 kaso lang ng COVID-19 ang naitala sa China sa nakalipas na 3 araw na ngayon ay nananatili sa mahigit 80,000.
Pero sa South Korea mahigit 2,000 ang nadagdag mula noong Biyernes ng umaga kung saan ngayon ay nasa mahigit pitong libo na ang infected cases.
Malaki rin ang nadadagdag sa COVID-19 cases sa Iran na umakyat na sa halos 6,000.
Pumapangalawa naman sa China ang bansang Italy sa may pinakamaraming nasawi dahil sa nasabing virus sumunod ang Iran at South Korea.
Sa buong mundo na sa mahigit 100,000 kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease habang mahigit 3,000 ang mga nasawi.
Mahigit 60,000 naman ang mga naka-recover at gumaling na sa nasabing virus.
Samantala dito naman sa Pilipinas 7 ang nadagdag sa mga kumpirmadong ng nakamamatay na sakit simula noong Biyernes (March 6).
Kaya umakyat na sa 10 ang COVID-19 cases sa bansa.
Dahil dito muling pinaigting ng Department Of Health (DOH) ang kanilang paalala sa publiko na upang makaiwas sa COVID-19 iwasang hawakan ang mata, ilong at bibig.
Ugaliin ang paghuhugas ng kamay o gumamit ng alkohol o sanitizer.
Takpan ang ilong at bibig kapag babahing at uubo.
Magsuot ng face mask lalo na kapag mayroon respiratory symptoms.
At kung makaramdam ng anomang respiratory illnesses gaya ng sipon, ubo at hirap sa paghinga ay agad magpakonsulta sa doktor.
(Grace Casin | UNTV News)
Tags: Coronavirus Disease