Kritikal na yugto ng epekto sa ekonomiya ng Covid-19 pandemic, nalagpasan na ng Pilipinas – Malacañang

by Erika Endraca | November 11, 2020 (Wednesday) | 2662

METRO MANILA – Bagaman muling bumagal ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa 3rd quarter ng taon, tiwala naman ang Malacañang na nalagpasan na ang kritikal na estado ng epekto sa ekonomiya ng Covid-19 pandemic, at maguumpisa na ang unti-unti pagbangon ng mga negosyo at kalakalan sa bansa.

“Bahagyang umangat na po yung ating ekonomiya, nagpapatunay po na that the worst is over” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Kahapon (Nov. 10) iniulat ng National Economic Development Authority (NEDA) na muling bumagal sa 11.5% ang ekonomiya ng Pilipinas sa 3rd quarter ng 2020.

Mas mababa ito kung ikukumpara sa 16.9% na naitala noong 2nd quarter ng taon.

Ito na ang 3 magkakasunod na quarter kung saan naitala ang patuloy na pagbaba ng ekonomiya ng bansa.

Paliwanag ng NEDA, malaki pa rin ang epekto ng pandemya dahil sa mga quarantine restriction limitado pa rin ang operasyon ng mga negosyo.

Nakaapekto rin sa mabagal na paglago ng ekonomiya ang pagbabawal sa foreign tourism habang hindi pa rin naibabalik ang dating sigla ng local tourism.

Dagdag pa ng NEDA, naka-ambag rin dito ang ginawang pagbalik sa modifidied enhanced community quarantine ng Metro Manila, Calabarzon at Cebu City kung saan nilimitahan ang biyahe ng public transportation.

“The double digit contraction in the third quarter is not surprising given the return to more stringent quarantine restriction in NCR and neighboring provinces and Cebu City which together accounts 60 percent of the Philippine economy” ani NEDA Acting Secretary Karl Kendrick Chua.

Tiwala ang NEDA, na unti unti nang makakabangon ang ekonomiya ng bansa sa 2021, kaalinsabay ng panunumbalik ng mga negosyo na makatutulong para kumitang muli sa paghahanap buhay ang mga Pilipino.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,