Korte Suprema, nagtakda na ng oral arguments sa mga petisyon kontra martial law extension

by Radyo La Verdad | January 11, 2018 (Thursday) | 5285

Nagtakda na ang Korte Suprema sa susunod na linggo ng dalawang araw na oral arguments upang talakayin ang mga petisyon laban sa martial law extension sa Mindanao, ito ay upang muling pag-aralan ang basehan ng pagpapalawig batas militar sa rehiyon.

Iniutos din ng korte na pagsamahin ang magkahiwalay na mga petisyon ng grupo ni Albay Rep. Edcel Lagman at iba pang grupo. Hinihiling sa petisyon nina Lagman na maglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema at ipatigil ang isang taong extension ng martial law sa Mindanao.

Anila, wala nang aktwal na rebelyon sa Mindanao kaya’t hindi na ito dapat palawigin pa. Labag din anila ang isang taong extension sa diwa ng konstitusyon na nagtatakda ng limitadong pagpapatupad ng martial law.

Ngunit dati nang sinabi ni Solicitor General Jose Calida na hindi lamang may basehan kundi kinakailangan na palawigin pa ang batas militar sa Mindanao dahil nananatili ang banta ng terorismo.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,