Korte Suprema, naglabas ng gag order sa election protest ni dating Sen. Bongbong Marcos

by Radyo La Verdad | February 23, 2018 (Friday) | 9104

Ayaw ng Korte Suprema na talakayin pa sa publiko ang merito ng protesta ni dating Senador Bongbong Marcos sa pagkapanalo ni Vice President Leni Robredo.

Kayat inatasan ng SC na tumatayong Presidential Electoral Tribunal ang kampo nina Marcos at Robredo na sundin ang sub judice rule.

Ibig sabihin, inatasan ng PET sina Marcos at Robredo na iwasan nang pag-usapan sa publiko kung ano ang pwedeng kahinatnan ng kaso. Ito ay dahil malapit nang magsimula ang pilot recount sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental sa susunod na buwan.

Ayon sa abogado ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, paalala ito ng korte sa mga partido na iwasang magkomento sa kaso upang mahatulan ito ng ayon lamang sa ebidensiya.

Pero hindi naman aniya bawal ang patas at eksaktong pagbabalita ng mga nangyayari sa korte patungkol dito.

Bago ito ay ilang beses ding tinalakay ng kampo nina Marcos at Robredo ang mga isyu kaugnay ng protesta. Nagkapalitan din ng akusasyon kung sino ang nagpapatagal sa proseso.

Naghain pa ng mosyon ang kampo ni Robredo upang bawiin ang lahat nilang mosyon na maaaring makasagabal sa mano-manong bilangan. Pero ayon sa PET, walang nakabinbing mosyon si Robredo na maaaring makaantala sa isasagawang manual recount.

Pinasasagot naman ng tribunal ang kampo ni Marcos sa loob ng sampung araw kung babawiin din nito ang lahat niyang mosyon gaya ng ginawa ni Robredo. Pero ayon sa abogado ni Marcos, wala naman silang mosyon na kailangang bawiin.

Samantala, wala pang sagot tungkol dito ang kampo ni Robredo.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,