Kinatigan ng Korte Suprema ang isang taong extension ng batas militar sa Mindanao. Sa botong 10 to 5, dinismiss ng Supreme Court ang tatlong petisyon na layong mapawalang-bisa ang resolusyon ng kongreso na nagpalawig sa martial law hanggang December 31 ng taong kasalukuyan.
Sinulat ni Justice Noel Tijam ang desisyon at sinang-ayunan ng siyam pang mahistrado. Tutol naman sa desisyon ang limang mahistrado kabilang na si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Paliwanag ng Korte Suprema, nasa kapangyarihan na ng kongreso kung ilang beses at gaano katagal ang ibibigay na extension ng batas militar at walang itinakdang limitasyon dito ang konstitusyon.
Ayon pa sa Korte Suprema, hindi nila pwedeng panghimasukan kung minadali man ng kongreso ang pag-apruba sa hiling na extension ng Pangulo.
Dismayado naman si Albay Rep. Edcel Lagman sa desisyon at wala na aniyang saysay na maghain pa sila ng motion for reconsideration.
Bagamat hindi na ikinagulat ng Makabayan Bloc ang desisyon, masyado pa rin itong delikado ayon sa kanilang abogado.
Ikinatuwa naman ni Solicitor General Jose Calida ang desisyon. Malaking tulong aniya ito upang matapos na ang kaguluhan at maibalik ang kapayapaan sa Mindanao.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )
Tags: Korte Suprema, martial law., Mindanao