Korte Suprema, hinimok na magdesisyon na sa kaso ng EDCA

by Radyo La Verdad | September 16, 2015 (Wednesday) | 1535

RODERIC_TEDDY
Nagprotesta sa harapan ng Korte Suprema ang iba’t ibang grupo sa ilalim ng bagong Alyansang Makabayan upang manawagan sa mga mahistrado na maglabas na ng desisyon sa kaso ng EDCA o ang Enhanced Defense Cooperation Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Mag iisang taon na nang matapos ang pagdinig sa oral arguments sa kaso ngunit hanggang ngayon ay hindi pa naglalabas ng desisyon ang Korte Suprema.

Ayon kay dating Bayan Muna partylist Congressman Teddy Casiño, na isa sa mga petitioner laban sa EDCA, panahon na upang mag desisyon ang Supreme Court sa kaso at tuldukan ang aniya’y panghihimasok ng mga Amerikano sa panloob na usapin ng bansa.

Sa ilalim ng EDCA na nilagdaan noong Abril ng nakalipas na taon, pinapayagan ang Amerika na magtayo ng mga istruktura, mag imbak ng mga armas at magpadala ng kanilang mga sundalo sa pilipinas sa loob ng sampung taon.

Kinuwestyon sa Korte Suprema ang kasunduan dahil sa umano’y mga paglabag nito saligang batas at sa soberanya ng bansa.

May pagkiling din umano ang kasunduan sa interes ng amerika dahil magagamit nila nang libre ang mga pasilidad ng sandatahang lakas ng Pilipinas.(Roderic Mendoza/UNTV Correspondent)

Tags: ,