COMELEC maghahain ng motion for reconsideration kaugnay sa naging desisyon ng SC na magimprenta ng resibo para sa mga botante

by Radyo La Verdad | March 10, 2016 (Thursday) | 8390

COMELEC_BAUTISTA
Dalawang direksyon ang tatahakin ngayon ng Commission on Elections kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na dapat silang mag imprenta ng voter’s receipt.

Ito ay ang paghahain ng motion for reconsideration at ang paghahanda na rin sakaling hindi baliktarin ng korte ang naunang desisyon.

Bukas, maghahain ng motion for reconsideration sa Korte Suprema ang COMELEC.

Ngunit bukod sa pagsusumite ng MR, naghahanda na rin ang komisyon na mag imprenta ng resibo sa araw ng halalan.

Katunayan, iniutos na ng en banc na simulan ang bidding para sa mahigit 1 milyong rolyo ng thermal papers at mga receptacle na paghuhulugan sa mga resibo upang hindi ito mailabas ng presinto.

Aminado ang COMELEC na malaking adjustment ang kailangang gawin dahil sa desisyong ito ng SC.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista kung mag imprenta ng resibo kailangang ireconfigure ang source code ng Vote Counting Machine upang magawa ito.

Pansamantala rin itinigil ng COMELEC ang pre logic and accuracy test o ang isa isang pagtesting sa mga makina kung gumagana ito ng tama dahil kailangang paganahin ang feature ng VCM na mag imprenta ng resibo.

Ayon kay Bautista bago ang desisyon ng Korte Suprema, on track na ang comelec sa kanilang paghahanda sa may 9 polls, pero ngayon nadiskaril sila sa schedule.

Dumipensa naman si Bautista kung bakit hindi agad nakapagsumite ng pahayag ang COMELEC sa SC kaugnay sa voter’s receipt issue dahil maraming trabahong hinaharap sa ngayon ang poll body.

Ipinatawag naman ng comelec ang comelec advisory council at ang technical evaluation committee upang humingi ng advice hinggil sa adjustment na gagawin sa kanilang timeline.

Pupulungin din ng poll body ang mga kinatawan ng ibat ibang political parties upang bigyan ng briefing hinggil sa impact ng SC decision sa kanilang paghahanda at sa mismong araw ng halalan.

Samantala nananatili pa rin sa opsyon ng COMELEC ang postponement ng halalan ngunit aminado ang poll body na kailangan nila ang panibagong batas para dito.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: , ,