Korte Suprema, handang pakinggan ang COMELEC sa isyu ng paggamit ng resibo sa halalan

by Radyo La Verdad | March 10, 2016 (Thursday) | 1364

RODERIC_SERENO

Bukas ang Korte Suprema na pakinggan ang posisyon ng COMELEC sa pag-iisyu ng resibo sa mga botante sa darating na halalan sa Mayo.

Reaksyon ito ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pahayag ng COMELEC na nais nilang mabigyan ng pagkakataon na ipakita sa mga mahistrado kung paano gagana ang mga makinang gagamitin sa halalan at kung bakit sa tingin nila ay hindi na kakayanin ang pag iimprenta ng resibo para sa mga botante.

Ayon kay Sereno, sinunod lamang ng Korte Suprema ang itinatakda ng batas patungkol sa paggamit ng resibo sa halalan.

Hindi naman aniya naiparating sa kanila ang sinasabi ng COMELEC na gagahulin na sila sa preparasyon.

Kayat sa kanilang desisyon nitong Martes, sinabi ng mataas na hukuman na wala silang nakikitang dahilan upang ipagkait sa mga botante na mabigyan ng resibo na naglalaman ng kanilang mga ibinoto.

Sa halip kasi na magsumite ng comment, mas pinili ng COMELEC na maghain ng mosyon upang palawigin pa ang itinakdang deadline ng korte.

Sabi pa ni Sereno, bahagi ng due process ang pagsunod sa panuntunan ng korte at maiparating nang maayos sa kanila ang anomang kahilingan upang mabigyan ito ng aksyon.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,