Kooperasyon sa mga isasagawang imbestigasyon, tiniyak ng mga general na umano’y protektor ng illegal drugs operations

by Radyo La Verdad | July 6, 2016 (Wednesday) | 954

JOYCE_DELA-ROSA
Si Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa lamang ang humarap sa media kanina matapos ang close door meeting niya sa tatlong general na sina PCSupt. Bernardo Diaz, PDir. Joel Pagdilao at PCSupt. Edgardo Tinio.

Sila ang tatlo general ng PNP na kasama sa limang pinangalanan kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na umanoy protektor ng mga drug syndicate.

Tumanggi si Dela Rosa na magbigay ng detalye sa napagusapan.

Sinabi naman ni PNP PIO Chief P/Scupt Dionardo Carlos na naroon din sa pulong ang kinatawan ng Department of Interior and Local Government at ng National Police Commission o NAPOLCOM.

Ipinaubaya na ng PNP sa NAPOLCOM ang gagawing imbestigasyon para sa tatlong heneral.

Ayon kay Dela Rosa, malaki ang naitulong ng mga impormasyon mula sa US Drug Enforcement Agency upang matukoy ang mga heneral na sangkot sa mga transaksyon ng iligal na droga.

Gayumpaman, hindi rin isiniwalat ni Dela Rosa sa media ng mga ebidensyang hawak laban sa mga heneral.

Classified aniya ito at hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon ng NAPOLCOM.

Bagaman hindi humarap sa media si PCSupt. Edgardo Tinio matapos ang pulong kanina, nauna na niyang itinanggi sa interview ni Kuya Daniel Razon na sangkot siya sa iligal na droga.

Dahil retirado na sina PCSupt. Vicente Loot at PDDG Marcelo Garbo, ayon kay Dela Rosa wala na siyang hurisdiksyon sa dalawa at hindi maisasama sa imbestigasyon ng NAPOLCOM.

Una na ring itinanggi ni Ret. PCSupt. Vicente Loot, kasalukuyang mayor ng Daanbantayan, Cebu ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Sa kabila naman ng kontrobersya na kinakasangkutan ng matatas na heneral ng pnp, nananatili namang positibo si PNP Chief Ronald Dela Rosa na mas magiging mamatag ang buong kapulisan.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: ,