Kooperasyon ng mamamayan at iba’t ibang sektor sa pagdaraos ng APEC Summit ngayong Nobyembre, hiniling ng Malakanyang

by Radyo La Verdad | November 4, 2015 (Wednesday) | 4287

ABIGAIL_VALTE
Humihingi ng paumanhin ang Malakanyang sa publiko dahil ipatutupad na mga security measure sa Metro Manila dahil sa pagdaraos ng Asia Pacific Economic o APEC Summit sa Maynila mula Nov. 17 hanggang 20.

Pangunahing maaapektuhan sa mga ipatutupad na seguridad ay ang kahabaan ng Roxas Boulevard at mga kalapit na lugar dahil isasara ang isang lane nito at iba pang mga kalsada.

Muli namang nagpaalala ang Malakanyang sa mga may flight schedules mula November 17, 19 at 20 na makipag-ugnayan agad sa mga kinauukulang airlines dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng “no fly zone” sa pagdating ng mga lider ng iba’t ibang bansa.

Ayon pa kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, mahigit sampung bansa na ang nag-kumpirma na dadalo sa APEC Ecomic Leaders Meeting.

Kabilang na ang Estados Unidos, Russia, Indonesia, Canada, Mexico at Chile.

Mayroon na ring nagpahiwatig na mga bansa para sa bilateral meeting sa pilipinas, ngunit tumanggi munang idetalye ito ng Malakanyang.

Paliwanag pa ng Malakanyang, inaasahan na dalawampung lider mula sa iba’t ibang bansa ang darating sa Pilipinas kaya mahigpit ang gagawing pagpapatupad ng seguridad partikular na sa metro manila. ( Nel Maribojoc / UNTV News )

Tags: