Kailangan ang pakikipagtulungan ng China sa Pilipinas sa paglaban nito sa illegal online gambling.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr., ito ang isa sa mga paraan para hindi magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawang bansa. Ito ay sa gitna na rin ng isinusulong na crackdown laban sa mga illegal foreign workers. Karamihan umano sa mga illegal Chinese worker ay nasa online gaming industry.
Ayon sa kalihim, posible ang pagtutulungan na ito ng dalawang bansa. Nangangamba rin ang ilang senador sa posibilidad na naaagawan na ng trabaho ang mga Pilipino ng mga iligal na nagtatrabahong dayuhan sa bansa.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, ito ay “direct assault” sa ating soberanya at ekonomiya.
Para kay Senate President Vicente Sotto III, dapat maghinay-hinay sa mga numerong inilalabas kaugnay ng mga umano’y illegal Chinese workers.
Isang special task force na rin ang bubuuin ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang tingnan ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), kung saan mayorya sa mga Chinese nationals na may work permit ay nagtatrabaho sa POGO industry.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: China, DFA Sec. Locsin, illegal online gambling operation