Kontruksyon ng MRT-7, ipinamamadali na ng DOTr hanggang 2019

by Radyo La Verdad | July 20, 2017 (Thursday) | 2298


Nag-inspeksyon kanina ang build build build team ng Duterte Administration sa construction site ng itinatayong MRT line 7 sa Quezon City Memorial Circle.

Binista ng mga opisyal ang naturang site upang alamin ang estado ng konstruksyon ng proyekto na mag-uugnay sa Quezon City at San Jose del Monte Bulacan.

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, pipilitin nilang tapusin ang konstruksyon ng MRT-7 sa ikalawang quarter ng taong 2019, upang mapakinabangan na ito ng publiko.

Bukod pa rito, ipinamamadali na rin ng DOTr sa mga contractor ang paglalagay ng mga pundasyon sa proposed Doña Carmen at Regalado Avenue Stations.

Sisikapin ng Transportation Department na matapos ito sa darating na nobyembre, upang maibsan ang matinding problema sa trapiko sa naturang lugar.

Ang MRT-7 ay isang Rail Transist System Project na may habang 22-kilometro at binubuo ng 14 na istasyon.

Kabilang sa mga ito ang North Avenue, Quezon City Memorial Circle, University Avenue, Tandang Sora, Don Antonio, Batasan, Manggahan, Dona Carmen, Regalado, Mindanao Avenue, Quirino, Sacred Heart, Tala at San Jose del Monte Bulacan.

36 train set o 108 na bagon ng tren ang inaasahang darating sa bansa sa January 2019 mula sa South Korea, na syang gagamitin sa operasyon ng MRT-7.

Sa oras na matapos, tinatayang aabot sa higit apat na raang libong mga pasahero ang makikinabang dito kada araw.

Umapela namang muli ng pangunawa at kooperasyon sa publiko ang DOTr sa trapikong idinudulot ng proyekto.

Samantala, nakikipagtulungan na rin ang DOTr at DPWH sa National Housing Authority hinggil sa relokasyon ng mga residente tatamaan ng kontruksyon ng MRT-7.

Sa kasalukuyan,nasa 160 mga pamilya ang nakatakdang ilipat ng nha sa kanilang mga pabahay sa Rizal, Cavite at Bulacan.

Sa ngayon ay inaasikaso ng nha ang pagkakabit ng mga linya ng tubig at kuryente sa mga Relocation sites.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,