Kontrata ng Comelec at Smartmatic sa pag-aayos ng PCOS machines, pinawalang-bisa ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | April 22, 2015 (Wednesday) | 1364

SUPREME-COURT
Ipinawalang-bisa ng Korte Suprema ang P268 milyong kontrata ng Comelec at Smartmatic para sa refurbishment ng PCOS machines na gagamitin sa halalan sa 2016.

Unanimous ang naging botohan ng mga mahistrado ng Korte Suprema pabor sa petisyon ng Integrated Bar of the Philippines at Automated Election Systems (AES ) watch na humihiling na ipatigil ang extended warranty deal.

Layunin ng kontrata na isaayos ang 82,000 units ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines na una nang ginamit sa nakalipas na automated elections.

Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Theodore Te, nabigo ang Comelec na idepensa ang ginawa nitong direct contracting at isang pandaraya sa procurement law ang pagbibigay ng extended warranty deal.

Pinababalik rin ng SC bilang public funds ang anumang ibinayad sa Smartmatic sa ilalim ng nasabing kontrata.

Wala namang sinabi ang Korte kung diskwalipikado na ang Smartmatic sakaling magdaos ng bidding ang Comelec para sa pagsasaayos ng mga lumang PCOS machine.

Samantala, aminado naman si Comelec Spokesperson James Jimenez na mahihirapan na silang humanap ng bagong mekanismo para sa 2016 elections. Gayunman, pinawi nila ang pangambang no-election scenario dahil maaari namang magsagawa ng manual elections.( Roderic Mendoza/ UNTV News Senior Correspondent )