Nag-ground breaking ngayong umaga ang mga opisyal ng Department of Transportation, kasama ang mga lokal na opisyal sa probinsiya ng Bulacan, para sa pagsisimula ng konstruksyon ng phase one ng PNR Clark project.
Sakop ng unang bahagi ng proyekto ang pagdurugtong ng riles at pagtatayo ng bagong istasyon mula Tutuban sa Maynila hanggang sa Malolos, Bulacan. Mayroon itong kabuoang sukat na 38-kilometro at partikular na itatayo ang istasyon sa may area ng Maria Socorro,Marilao Bulacan.
Sa oras na matapos ang phase one ng proyekto, ayon sa DOTr aabutin na lamang ng 35 minuto ang biyahe mula Maynila hanggang Bulacan.
Ang Tutuban to Marilao PNR station extension ay ang unang bahagi ng ipapatayong PNR Manila to Clark Project na inaasahang makukumpleto pagsapit ng taong 2021.
Sa pagtaya ng Transportation Department, tinatayang aabot sa mahigit tatlong daang libong mga pasahero ng PNR ang makikinabang kapag naging operational na ang PNR Manila to Clark project. Pinangunahan ang ground breaking ceremony ni DOTr Secretary Arthur Tugade, kasama sina Senator Joel Villanueva, Senator JV Ejercito at iba pa.
Ang PNR Clark project isa sa mga malalaking proyekto na nakapaloob sa Build Build Build program ng Duterte Administration.
Tags: Bulacan, PNR Clark project, Tutuban