Konstruksyon ng New Clark City, inaasahang matatapos sa 2020

by Radyo La Verdad | July 5, 2018 (Thursday) | 4604

Nasa schedule ang konstruksyon ng New Clark City at inaasahang matatapos sa 2020, ito ang tiniyak ng mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang pag-iinspeksyon sa lugar kahapon.

Ang New Clark City ay isa sa 75 flagship project sa ilalim ng Build, Build, Build program ng Duterte administration.

Layon nitong makapagtayo ng isang centralized government center at maibsan ang trapiko sa Metro Manila.

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na may posibilidad na maging dead city ang Maynila sa loob ng 25 taon kaya naman mahalagang magdevelop ng mga industrialized areas malapit dito.

Ayon kay Department of Finance Secretary Carlos Dominguez, sa pamamagitan ng proyektong ito ay mapapababa ng administrasyon ang poverty rate mula sa 21.6% noong 2015 sa 14% hangang 2022. Sa pamamagitan ito ng milyong trabaho na malilikha ng proyekto kada taon.

Sa nakalipas na limang buwan nakalikha na ng isang daan libong trabaho sa construction side pa lamang. Ang New Clark City ang kauna-unahang Smart and Green Metropolis sa bansa.

Itatayo dito ang New Government Administrative Center, mga sports facilities, athletes village, railway na magkokonekta sa Subic at Maynila, expansion project ng bagong international  passenger terminal ng Clark International Airport.

Maglalagay din dito ng government housing na hindi nagawa sa Bonifacio Global City kaya anila dumami ang mga informal setlers.

 

( Bryan Lacanlale / UNTV Correspondent )

Tags: , ,