Ngayong nalalapit na ang proklamasyon ni incoming President-Elect Rodrigo Duterte, nag-umpisa na ring ipaliwanag sa publiko ng ilang mga taong isinusulong din ang federal form of government.
Isa rito si dating Senate President Nene Pimentel na isinusulong na ang federalism sa bansa simula pa noong 1982.
Naniniwala si Pimentel, na maisasakatuparan ito sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.
Kaya naman, desidido si Pimentel na ipa-intindi sa publiko ang pedaralismo na inaasahang isusulong din ng Duterte administration.
Sa proposal ni Pimentel, sa pamamagitan ng federal system , magkakaroon ng pagkakataon ang bawat probinsya, lungsod at munisipalidad na idevelop ang kanilang lugar upang makapanghikayat ng mas maraming investments at kumita.
Sa kaniyang proposal, mahahati ang Pilipinas sa 11 federal states ayon sa boundaries o hangganan ng mga rehiyong pamilyar na sa publiko.
Apat na federal states sa Luzon, apat din sa Visayas at tatlo sa Mindanao.
Ang National Capital Region naman ay magiging federal capital gaya ng Washington DC sa Amerika.
Binigyang-diin naman ni pimentel na sa ilalim ng federal government, mananatili ang pagkakaroon ng Pilipinas ng iluluklok na pangulo at pangalawang pangulo sa pamamagitan ng halalan at pagkakaroon ng iisa lamang konstitusyon, iisang armed forces, iisang bandila, iisang central bank, iisang monetary system, iisang foreign policy, at iisang public education system.
Kabilang din sa proposal sa ilalim ng federal government ang pananatili ng mababang kapulungan ng kongreso at pagkakaroon ng 6 na senador sa bawat federal state o 66 na senador
Ganun din ang paglalagay ng Constitutional Court Branches sa Luzon, visayas at Mindanao upang mapabilis ang pagpapatupad ng hustisya.
Para naman maisawa ito, kinakailangang baguhin ang saligang batas sa pamamagitan ng constitutional convention na nakasalalay pa rin sa magiging political will ng pamunuan ni duterte upang maisakatuparan ito.
Sa kahuli-hulihan, binigyang-diin ni dating Senate President Pimentel na ang federal form of government ang solusyon sa matagal na suliranin ng bansa sa insurgency at mga kaguluhan sa Mindanao.
(Rosalie Coz/UNTV NEWS)
Tags: dating Senate President Nene Pimentel, federal form of government