Konsentrasyon ng pagbabakuna sa NCR Plus 8, hindi dapat alisin – Octa Research Group

by Erika Endraca | July 14, 2021 (Wednesday) | 1839

METRO MANILA – Naniniwala ang Octa Research Group na ang susi sa akselerasyon sa progreso ng bansa ay sa pamamagitan ng pagsunod sa dati nang plano ng pamahalaan kaugnay ng pagbabakuna sa Ncr Plus 8 at hindi ito dapat mabahiran ng ibat pang impluwensiya.

Ito ang naging sagot ng Octa Research Group hinggil sa plano ng National Task Force Against COVID-19 na ipadala sa mga isla at malalayong probinsya ang single dose shot na Johnson and Johnson vaccines.

Ipinaliliwanag ng Octa Research Group na hindi dapat mabago ang orihinal na plano ng gobyerno na itutok ang vaccination program sa National Capital Region, Metro Cebu, Metro Davao, gayundin sa Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Pampanga at Rizal.

Nangangamba ang grupo na baka maapektuhan ang estado ng ekonomiya kung malilihis ang prioritization sa mga lugar na kailangang padalhan ng mga bakuna.

“Ang fear naman is baka nawawala ang focus dito sa NCR Plus 8 eh, ang ncr plus 8 kapag ginawa ng gobyerno yan hindi lang ncr plus 8 ang tinutulungan nyan, tinutulungan nyan ang buong bansa kasi babagsak ang COVID cases dun sa lugar na yun, mabubuksan ang ekonomiya sa lugar na yun at yung effect ng 2 bagay na ito will have impact all over the country” ani Octa Research Group Fellow, Prof. Ranjit Rye.

Para sa Octa Research, malaking bagay na kung aabot sa 20% ng target population ng NCR Plus 8 ang mababakunahan upang makausad muli ang ekonomiya ng bansa.

Samantala, hindi pa inirerekomenda ng mga eksperto na ilagay sa pinaka maluwag na quarantine classification ang ncr kahit nasa low risk area na ang metro manila dahil sa pagbagal ng hawaan ng COVID-19.

Para sa Octa, dapat manatili pa rin sa general community quarantine ang ncr pagkatapos ng July 15.

“Pwede tayong magluwag dun sa mga business establishment, kaya ko sinasabi ito dahil may banta tayo ng delta, although maganda ang sitwasyon ngayon sa ncr kailangan po eh tuloy tuloy masustain natin ito masabayan natin ng increase ng vaccination natin, so para sa akin we are not yet ready for MGCQ definite natin we do not qualify”ani Octa Research Group Fellow, Prof. Ranjit Rye.

Batay sa huling datos ng Octa Research Group, sa ngayon ay bumaba pa sa average na 634 COVID-19 cases per day ang naitatala sa NCR mula July 6 -12. 2% ito mas mababa kumpara sa 646 cases na naitala noong nakaraang Linggo.

(Marvin Calas | UNTV News)

Tags: ,