Komprehensibong plano para sa “new normal” sa Pilipinas, planong ilabas ng NEDA sa Marso

by Radyo La Verdad | February 14, 2022 (Monday) | 13048

METRO MANILA – Patuloy sa pagpupulong at pagbalangkas ng mga panuntunan ang national government kaugnay ng National Action Plan (NAP Phase V).

Nakapaloob dito ang mga hakbang na gagawin sa paglilipat ng bansa sa new normal o pagkakaroon ng endemic approach sa COVID-19 mula sa pandemic approach.

Kabilang sa mga pagtutuunan ng pansin ng plano ay ang pagbangon ng ekonomiya.

Inaasahang ilalabas ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang naturang plano sa buwan ng Marso.

“Next week magtutuloy-tuloy na naman kami ng meetings. Ang plano namin, ang target namin is early March mailabas na ito. Unang-una, mai-report muna sa IATF siyempre at kay pangulo at kapag naaprubahan nila puwede na namin i-disseminate sa public siguro mga middle of March siguro po ito.” ani NEDA Usec. Rosemarie Edillon.
Bukod sa economic recovery, nakapaloob din sa NAP Phase V ang patuloy na pagpapaigting ng proteksyon sa publiko kontra COVID-19, vaccination at pagpapatatag ng health system capacity.

Pagkakaroon ng ligtas at healthy settings sa mga paaralan, work places, domestic travel, international travel at iba.

“Makikipag-ugnayan kami with congress para magkaroon tayo ng pandemic flexibility bill so that government can respond in a timely manner at ang panghuli dito, importante talaga is makagawa na tayo ng medium term pandemic resiliency plan.” ani NEDA Usec. Rosemarie Edillon.

Sa kasalukuyan, patuloy sa pagbaba ang daily COVID-19 cases sa bansa.

Ayon naman kay Infectious Disease Expert at Department of Health Technical Advisory Group Member Dr. Edsel Salvana, ang World Health Organization ang karaniwang nag-aanunsyo kung endemic stage na ang isang infectious disease.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,