Klase sa walong paaralan sa Itogon, Benguet, pansamantalang sinuspinde ng LGU

by Radyo La Verdad | October 17, 2018 (Wednesday) | 19607

Nasa dalawang libong elementary at high school students sa Itogon, Benguet ang hindi pa nakakapagklase simula pa noong nakaraang linggo.

Ito ay matapos ipag-utos ni Itogon Mayor Victorio Palangdan ang suspensyon ng klase sa walong paaralan sa syudad mula ika-10 ng Oktubre.

Ang mga naturang paaralan ay kabilang sa natukoy ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na kabilang sa mga at risk na lugar sa syudad.

Hindi pa tiyak ng lokal na pamahalaan kung hanggang kailan ang itatagal ng suspensyon dahil wala pang lugar na permanenteng mapaglilipatan sa mga estudyante.

Hinihintay rin ng LGU at Department of Education (DepEd) ang re-assessment ng MGB para malaman kung alin sa mga paaralan ang maaari pang gamitin at alin ang tuluyan nang aabandunahin.

Sa ngayon, inihahanda na ng LGU ang learning tent center na itatayo sa Bua-Itogon Benguet. Ito ang pansamantalang gagamitin ng mga apektadong mag-aaral upang makahabol sila sa kanilang aralin.

Samantala ngayong araw, nakipagdayalogo si DENR Secretary Roy Cimatu sa mga residente ng Itogon, Benguet hinggil sa stoppage order ng mga small scale mining operation sa naturang bayan.

 

( Grace Doctolero / UNTV  Correspondent )

Tags: , ,