Klase sa Mindanao State University, muling binuksan sa kabila ng tensyon sa Marawi

by Radyo La Verdad | August 23, 2017 (Wednesday) | 4168

Daan-daang estudyante ng Mindanao State University ang balik-eskwela ngayong araw sa kabila ng patuloy na nangyayaring kaguluhan sa Marawi City. Bago magtungo sa unibersidad ang mga estudyante ay sumailalim muna ang mga ito sa mahigpit na inspeksyon ng mga school faculty at militar.

Sa isinagawang programa bago magsimula ang klase, naging emosyonal ang mga estudyante, magulang at mga guro dahil sa sinapit ng kanilang siyudad sa kamay ng teroristang grupo. Bagama’t may takot, tiwala pa rin ang mga estudyante na muling bumalik sa kanilang paaralan. Tiniyak naman ng mga otoridad ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral sa loob ng MSU campus.

Ayon sa administrasyon ng MSU, mula sa labing dalawang libong estudyante ay bumagsak sa walong libo ang nag-enroll sa kanila ngayong taon. Umaasa naman ang pamunuan ng MSU na babalik na sa normal ang sitwasyon sa kanilang paaralan.

 

(Weng Fernandez / UNTV Correspondent)

 

 

 

 

Tags: , ,