Klase para sa School Year 2022-2023, simula na ngayong araw

by Radyo La Verdad | August 22, 2022 (Monday) | 8766

METRO MANILA – Higit 53,000 na mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa ang magpapatupad na ng face-to-face classes simula ngayong araw (August 22).

24,175 dito ay 5-day full face-to-face classes na, habang higit 29,000 naman ang blended learning approach o magkahalong in-person at online classes. Habang nasa 1,004 lang ang magpapatupad ng full distance learning.

Sa guidelines ng Department of Education (DepEd) para sa pagbabalik eskwela para sa school year 2022-2023, simula ngayong araaw August 22 – October 31, maaaring magpatupad ang mga pampubliko at pribadong paaralan ng 5-day full in-person classes, blended approach at full distance learning.

Sa mga magpapatupad naman ng face-to-face classes, kailangan lamang sundin ang health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, disinfection at hanggat maaari ay magkaroon parin ng social distancing.

Tiniyak rin ng DepEd na nakalatag na ang COVID-19 containment strategy sa mga paaralan sakaling may estudyante o guro man na makitaan ng sakit gaya ng sintomas ng COVID-19.

Habang naghanda na rin ng kani-kaniyang stock ng facemask ang mga paaralan sakaling kakailanganin ng mga mag-aaralan.

Nandyan din ang alcohol, at thermal scanner para masuri ang temperatura ng bawat pumapasok sa eskwelahan.

Samantala, sa huling ulat ng DepEd, as of August 19, higit 27 million na ang mga estudyante na nakapagpatala para sa school year 2022 to 2023.

96% ito sa target enrollees ng DepEd na 28.6 million students.

Inaasahan rin ng kagawaran na may mga hahabol pa rin sa pagpapatala ngayong araw (August 22) lalo’t huling araw na ngayon at wala nang extension.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,