Kinatigan ng PAGASA ang Quezon City sa hindi nito agad pagsuspinde sa mga klase sa paaralan kahapon kahit na may mga malalakas na pagulang naranasan sa lungsod.
Ilang araw nang umuulan sa malaking bahagi ng Luzon kasama na ang Metro Manila dahil sa habagat na pinalalakas ng bagyong Gorio. Inulan ng batikos ang post sa social media ni Quezon City acting mayor Joy Belmonte.
Katuwiran ni Myke Marasigan ng QC DRRMO, magdamag nilang binantayan ang situwasyon bago sila nagdesisyon. Sa emergency operation center ng Quezon City, nakikita nila kung gaano karaming ulan ang posibleng ibuhos sa isang lugar.
May mga monitor din sila kung saan nakakonekta ang mahigit sa 240 na cctv. Sa kanilang pagtaya, kayang tagalan ng lungsod ang mga thunderstorms kung hindi naman dirediretso ang pag-ulan.
Ngunit bandang alas 11 ng umaga kahapon ay sinuspinde narin ang klase sa Quezon City dahil sa patuloy na pag-ulan.
Ayon kay mayor Belmonte, hindi madali na magdesisyon na kaselahin ang klase lalo na’t 30% sa mga magaaral na nagtatapos sa kanilang elementarya aniya ay hindi marunong bumasa.
Ayon naman sa PAGASA, hindi dapat sisihin ang mga local government officials kundi dapat ay pagaralan kung ano ang epekto ng ulan sa kanilang lugar. Paliwanag nito, hindi pareho ang epekto ng thunderstorms sa iba’t-ibang mga lugar.
Bukod sa Quezon City, hindi rin agad nagsuspinde ng klase ang Pasig at Makati.
(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)
Tags: klase, PAGASA, Quezon City